MANILA, Philippines — Iginiit ng Department of Health (DOH) na tutol pa rin ang ahensya sa pagtatanim ng marijuana at pag-manufacture ng mga produktong cannabis sa bansa sa kabila ng mga pagsusulong na gamitin ito sa medikal na pamamaraan.
“The DOH does not support either the cultivation of cannabis plants or the manufacture of the cannabis products,” ayon sa ahensya.
Ito ay makaraan ang pagpasa ng pagsusulong sa Kongreso ng panukalang-batas sa paggamit ng cannabis bilang medisina.
Paliwanag ng DOH, kinikilala nila ang planong legalisasyon ng Medical Cannabis, na nilinaw nilang magkaiba sa “recreational marijuana”. Ngunit lahat ng inisyatibong ito ay dapat umano ay base sa mga siyentipikong ebidensya, pagiging epektibo nito at epekto sa pampublikong kalusugan.
“Legislation should also consider the regulatory capacity of all government agencies that will be involved should there be approval,” saad ng DOH.
Sa kasalukuyan, ipinaalala ng DOH na ipinagbabawal pa rin ng batas ang anumang uri ng paggamit ng marijuana, maliban kung mabibigyan ng “compassionate special permit (CSP)” mula sa Food and Drugs Administration (FDA) na papayag sa paggamit at importasyon nito.
“We shall keep the public updated should there be developments in the use of Medical Cannabis,” dagdag pa ng ahensya.