MANILA, Philippines — Nagbabala ang pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) laban sa mga indibidwal at grupo sa hindi awtorisadong paggamit ng pangalan at logo ng ahensya dahilan sa maari silang maharap sa kaso at makulong.
Nabatid sa CSC na walang indibidwal o entity ang binigyan ng pahintulot na gamitin ang pangalan at logo nito, kabilang ang lumang CSC emblem, para sa anumang aktibidad o online na promosyon, kabilang ngunit hindi limitado sa solicitation, recruitment, produksyon ng mga materyales, at enrollment para sa review classes.
Sinabi ni CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles na ang hindi awtorisadong paggamit ng logo ng CSC ng mga indibidwal o entity nang walang nakasulat na pahintulot, pag-eendorso, o pag-apruba ng CSC ay nagsasagawa ng mga mapanlinlang na gawain at dapat kaharapin ang kaukulang parusa na naaayon sa batas.
Binigyang-diin pa ni Nograles sa publiko na isang opisyal na account lamang ang pinananatili ng Komisyon sa Facebook, Instagram, YouTube, at TikTok, at bawat CSC Regional Office ay nagtataglay lamang ng isang opisyal na Facebook page.
Nabatid na may mga ulat din ng mga indibidwal na gumagamit ng pangalan ng mga opisyal at empleyado ng CSC sa panggigipit sa mga empleyado ng iba pang ahensya ng gobyerno upang pilitin silang magbayad ng ilang mga pautang at obligasyon mula sa mga indibidwal o institusyong nagpapautang.