MANILA, Philippines — Pinangunahan ng Balikatan sa Kaunlaran (BSK) Chairperson Emeritus Guia Gomez ang paglagda ng isang kontrata sa pagitan ng Balikatan sa Kaunlaran (BSK) National Foundation at Robinsons Land Corporation. Ang kontratang ito ay tungkol sa muling paglulunsad ng Programang EntrePinoy ng BSK. Ang nasabing okasyon ay ginanap kamakailan sa Lungsod ng San Juan. Lumagda bilang kinatawan ng BSK sina EntrePinoy Program Chairperson Rosario (Charo) Yu at Executive Vice President Joan Corpus Araneta. Ang kinatawan naman ng Robinsons Land Corporation ay si Senior Marketing Director Jess Zulueta III at Marketing Manager Ana Palenzuela. Dumalo rin ang kinatawan ng LDR Events Solution na si Managing Director Lucette Dela Rosa bilang saksi at kasama sa pagsasanib puwersa upang itaguyod ang mga EntrePinoys.
Ang EntrePinoy ay isang programang matagumpay na naipatupad noong dekada 90 sa pamumuno ng dating BSK National President Guia Gomez. Ang Programang ito ay naging makabuluhan sa buhay ng mga maliliit na EntrePinoy na umunlad ang pamilya dahil sa mga munting negosyo sa kanilang bahay at komunidad. Sa tulong ng Robinsons Land Corporation and LDR Events Solution, pinaniniwalaan ng BSK na muling magiging matagumpay ang pagpapatupad ng Programang ito.
Gaganapin ang paglulunsad ng Programa sa pamamagitan ng tatlong araw na EntrePinoy Expo sa darating na Pebrero 23 hanggang 25, 2024 sa Level 4, EDSA Wing, Robinsons Galleria, EDSA corner Ortigas Avenue, Quezon City. Ang Expo na may temang, Likhang Balikatan 2024 ay magbebenta lamang ng mga produkto na gawang Pilipino. Ito ay lalahukan ng mga EntrePinoys na magmumula sa iba’t-ibang bayan at siyudad ng bansa. Ito ay bukas para sa lahat ng may hangarin na suportahan ang gawang sariling atin. Ang pagdalo sa Expo ay libre para sa lahat. Inaanyayahan ng BSK ang mga Councils at Chapters nito na dumalo sa nasabing okasyon. Para sa karagdagang detalye, tingnan ang official Facebook Page ng Balikatan sa Kaunlaran National Foundation. Para sa mga katanungan, tumawag sa LDR Events Solution sa numero 0998-9715373.