MANILA, Philippines — Pormal nang inihain ng mga kinatawan ng progresibong Makabayan bloc ang panukalang itaas ang minimum na sweldo ng mga pampublikong guro patungo sa P50,000.
Ito ang ibinalita ng ACT Teachers party-list ngayong Martes sa paghahain ng House Bill 9920, o "Increasing the Minimum Salaries of Public School Teachers to P50,000 and Appropriating Funds Therefor."
Related Stories
"Layunin ng panukalang batas na ito na taasan ang minimum wage ng mga guro, na matagal nang napag-iwanan at hindi na nakasasapat," wika ng ACT Teachers party-list sa isang paskil sa X (dating Twitter).
"Ito ay matagal nang ipinaglalaban ng ACT Teachers PL dahil noon pa man ay salat na salat na ang sweldo ng mga guro."
ITO NA ANG PINAKA-INAANTAY NATIN, TEACHERS! ?????????????????
— ACT Teachers Party-List (@ACT_Teachers) February 13, 2024
Nagfile ang Makabayan Bloc ng House Bill No. 9920 o An Act Increasing the Minimum Wage Salaries of Public School Teachers to P50,000 and Appropriating Funds therefor.
1/2#SahodItaas#50KDapat#SalaryIncreaseNow pic.twitter.com/wmedQMqjZ7
Maliban sa ACT Teachers party-list, kabilang sa mga naghain ng panukala ang mga kinatawan ng Kabataan party-list at Gabriela Women's Party.
Taong 2020 pa nang huling maamyendahan ang Salary Standardization Law. Sa ilalim nito, Salary Grade 11 ang iniuuwing sahod ng ilang mid-level personnel gaya ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Katumbas ang Salary Grade 11 ng P22,316 hanggang P24,391 buwanang sagod.
Wala pa ito sa P25,946/buwan na family living wage (FLW) para sa mga pamilyang nakatira sa Metro Manila, ayon sa estima ng IBON Foundation.
Sinasabing ang FLW ang ideyal na halagang kailangan ng pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente.
"As one goes lower in salary grade — clerks, administrative aides, down to the janitorial positions — the poorer he or she gets," wika ng explanatory note ng Makabayan bloc.
"Those who need additional finances most are given mere loose change — for one in Salary Grade 1, an average of P483 annual increase, to be exact."
Inihain ang HB 9920 habang pinaplano ng Senado ang pag-apruba ng dagdag P100 sa arawang minimum wage ng mga manggagawa, bagay na pinapalagan ng Department of Labor and Employment at ilang employers.
Matatandaang sunud-sunod ang ginawang red-tagging ng Department of Education sa Alliance of Concerned Teachers noong 2023 matapos ipanawagan ang karagdagang 30,000 guro at P100 bilyong taunang budget para sa mga classrooms sa public school.