19K cybercrimes naitala noong 2023 – PNP
MANILA, Philippines — Mistulang nakisakay na rin sa modernong teknolohiya ang mga elementong kriminal matapos na tumaas ang mga kaso ng cybercrimes sa bansa na pumalo na sa 19,472 insidente noong nakalipas na taon.
Ayon kay PNP-Cybercrime Group Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo, nasa 68.98 % o katumbas na 19,472 insidente ang itinaas ng mga kaso ng cybercrime kumpara sa 11,523 noong 2022.
Nangangahulugan ito na 53 kaso ng cybercrime kada araw ang naitala noong nakalipas na taon.
Karamihan sa nasabing mga kaso ay online scams na nairekord sa 14,030 nitong 2023 na mas mataas ng 7, 208 insidente kumpara noong 2022.
Nasa 121 namang kaso ng sextortion ang nairekord noong nagdaang taon na tumaas ng 10 % sa naitalang 110 insidente.
Kabilang sa iba pang mga kaso ng cybercrimes ay online threats, identity theft, data interference , computer-related fraud, love scam, cyber libel at mga karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata.
Nakatakdang magtatag ang PNP ng Cybersecurity Desks sa lahat ng mga himpilan ng pulisya sa buong bansa na pangangasiwaan ng dalawang mga piling imbestigador sa cybercrime.
Una nang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PNP na palakasin ang paglaban kontra cybercrimes.
- Latest