RBH 6 dapat aprubahan agad ng Senado – solons
MANILA, Philippines — Matapos putulin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pananahimik nito at suportahan ang panukala na amyendahan ang economic provision ng Konstitusyon, nanawagan ang mga kongresista sa Senado na agad aprubahan ang Resolution of Both Houses No. 6 (RBH 6).
Ayon kay House Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jayjay” Suarez malinaw ang sinabi ng Pangulo na ang sinusuportahan lamang nito ay ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon upang mas maging maluwag ito sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
“It is high time for the Senate to prove whether they are genuine partners in nation-building or mere obstructionists. The passage of RBH No. 6 is a litmus test of their commitment to meaningful reforms that will benefit the Filipino people,” sabi ni Suarez.
Iginiit ni Suarez ang kahalagahan na isantabi ang pamumulitika at itaguyod ang kapakanan ng bansa.
Sinabi naman ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na ipinapakita ng pagsuporta ni Pangulong Marcos na totoo ang pagnanais nito na umunlad ang bansa at nagbigay din ito ng pag-asa sa mga miyembro ng Kamara na nagsusulong ng reporma sa Konstitusyon.
Panahon na umano upang kumilos ang Senado at tuparin ang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na aaprubahan nito ang RBH No. 6 bago ang Holy Week break sa Marso.
Ganito rin ang pananaw ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.
Ayon kay Barbers, ngayon na ang panahon upang magtrabaho ang Senado at tigilan na ang siraan at malisyosong alegasyon.
Ipinaalala rin ni Barbers na hindi ang mga senador o kongresista ang magdedesisyon kung ipatutupad o hindi ang panukalang pagbabago sa Konstitusyon kundi ang taumbayan sa isasagawang plebisito.
Para naman kay Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang pahayag ni Pang. Marcos ay patunay na buhay pa ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Sinabi ni Rodriguez na hihintayin ng Kamara RBH 6 ng Senado na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ayon sa RHB 6, ang aamyendahan lamang ay ang mga probisyon ng Articles Xll, XlV at XVl ng 1987 Constitution.
Ang RBH 6 ay akda nina Senate President Zubiri at Senators Loren Legarda at Juan Edgardo Angara.
- Latest