P100 dagdag-sahod ‘di kakayanin ng employers - DOLE
MANILA, Philippines — Posibleng hindi kayanin ng mga maliliit na employers sa bansa ang panukala sa Senado na P100 dagdag-sahod sa mga manggagawa, ayon kay Department of Labort and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma.
“Medyo may kabigatan po. Dahil out of more or less one million na registered existing businesses sa atin, mahigit 900,000 ang nasa kategorya ng micro, small at medium enterprises,” paliwanag ni Laguesma.
Sinabi pa ng kalihim na bukod sa P100 panukalang dagdag sa minimum wage kada araw, madaragdagan din ang mga benepisyo ng mga manggagawa na sasagutin din ng mga employers.
Ngunit maaari rin naman na iba-iba ang opinyon kung kakayanin talaga ng mga employers na masuportahan ang P100 dagdag-sahod.
Sa panig ng DOLE, mas tinitingnan umano nila kung paano mapapanatili ang mga negosyo, habang nakakalikha ng mga dagdag at maging madagdagan ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho.
Kung mas marami umano ang trabaho na maiaalok ng merkado at mas mababa ang bilang ng mga naghahanap ng trabaho, dito susunod ang “market forces” kung saan mapipilitan ang mga employers na sumabay sa mga benepisyo para makakuha ng angkop sa kanilang empleyado.
Mas dapat pagtuunan din umano ang pagtulong sa ngayon sa mga maliliit na negosyo lalo na’t nanggaling ang mundo sa pandemya.
- Latest