3-anyos nahukay nang buhay sa Davao landslide

Photo shows the rescued child and personnel from the Philippine Red Cross.
Facebook / Philippine Red Cross

MANILA, Philippines —  Matapos ang halos tatlong araw, buhay na nahukay ang isang 3-taong gulang na batang babae sa patuloy na retrieval operation kung saan 11 na ang iniulat na namatay sa gumuhong lupa sa Maco, Davao de Oro.

Gamit ang mga kamay, patuloy ang paghukay sa mga lupa upang makuha ang nasa 100 katao pa na pinaniniwalaang nawawala matapos na matabunan ang dalawang bus at ilang kabahayan sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.

Noong Huwebes ng gabi, ang bilang ng mga nawawalang tao mula sa landslide ay nasa 110 na, may 11 bangkay na narekober at 31 na nasugatan ang nailigtas.

Ayon kay Davao de Oro Provincial  Disaster Official Edward Macapili, umaasa sila na marami pa ang makukuhang buhay sa lugar kaya nagtitiyaga ang  mga rescuers.

“So there’s a chance,” ani Macapili.

Nauna nang sinabi ni Colonel Rosa Ma Cristina Rosete-Manuel, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng militar na tumulong sa pamumuno sa rescue operations, na umaasa ang mga rescuer na makahanap pa ng mga nakaligtas.

Ayon naman kay Maco Mayor Arthur Carlos Rimando ang landslide ay apat na kilometro mula sa gold mine areas na inooperate ng Apex Mining. Idineklara rin itong “no habitation” zone.

Taong 2007 pa nang maging prone sa landslides ang lugar subalit hindi mapaalis ang mga naninirahan dahil nandito ang kanilang kabuhayan.

Samantala, bukod sa mga relief goods at tubig, nagpadala na rin ang PRC ng 20 bags ng dugo sa Davao de Oro para sa pagpapagamot sa mga biktima ng landslides at flashfloods sa lalawigan.

“If you need blood, just call 143 and we will deliver blood to hospitals. We have the Blood Samaritan Program for those who cannot afford blood processing fees,” ayon pa kay PRC Chairman Dick Gordon.

Show comments