DOLE tutulong sa Senado sa P100-wage increase bill

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma kahapon na may papel ang kanilang kagawaran na magpatupad at gamitin ang mga umiiral na batas at mga mekanismo para tumugon sa mga panawagan sa pagtataas sa sahod.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Handang makipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Senado upang maisulong ang Senate Bill No. 2534 na nagsasaad ng P100-wage increase sa mgAa manggagawa sa pribadong sektor.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma kahapon na may papel ang kanilang kagawaran na magpatupad at gamitin ang mga umiiral na batas at mga mekanismo para tumugon sa mga panawagan sa pagtataas sa sahod.

Nirerespeto umano ng DOLE ang kapangyarihan ng Kongreso para magpasa ng batas, at laging handa na mabigay ng “technical inputs” ukol sa kanilang karanasan sa sahod.

Dapat rin umanong ikonsidera ang kanilang karanasan sa pagpapatupad nila ng Republic Act 6727 na nagtatatag sa mga Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPBs) na siyang nagtatakda ng mga “minimum wage increases” sa mga rehiyon.

Sa kasalukuyan, 15 sa 16 RTWPBs ang nakapagpalabas na ng wage orders sa pagtaas sa minimum wages mula noong Hulyo 2023. Tanging ang Davao region na lamang ang hindi nakakapagpalabas nito, ngunit nagsasagawa na umano ng public consultations.

Nasa 4.1 milyong minimum wage earners sa pribadong sektor na ang direktang nagbenepisyo sa mga taas-sahod sa 15 rehiyon, habang nasa 8.1 milyon pang regular na manggagawa ang ina­asahan na matataasan rin ng suweldo dahil sa pagtatama sa “wage distortions”.

Show comments