'Self-love': Marcos may payo sa mga single sa Valentine's Day
MANILA, Philippines — Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipinong alagaan ang kanilang kalusugan ilang araw bago ang Araw ng mga Puso — bagay na magandang paraan daw ng "self-love."
Ito ang ibinahagi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa isang Instagram video ngayong Biyernes, kung saan makikitang nagwo-work out sa gym ang presidente.
"Ang Bagong Pilipino ay mas maalaga sa kanyang kalusugan. Kaya't ngayong Buwan ng mga puso, ipagdiwang natin ang pagmamahal sa ating mga sarili," wika ni Bongbong sa isang pre-Valentine's message.
"Alagaan natin ang ating mga puso, dahil wala nang ibang mag-aalaga riyan kundi ikaw lang. Lalo na kung single ka."
Inilabas ang video matapos ang kanyang "falling out" kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, bagay na nag-aakusa sa kanya ng pagiging "drug addict" at "bangag."
Noon pa'y pinariringgan na ni Duterte ang isang presidential candidate na gumagamit aniya ng cocaine, panahon kung kailan kandidato pa lang si Marcos Jr.
Ipinakita ang pagbubuhat ng weights ng presidente ilang buwan matapos magpositibo sa COVID-19 sa ikatlong beses, bagay na delikado para sa mga senior citizen na gaya niya.
- Latest