MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat presidential appointees na naitalaga bago ang Pebrero 1, 2024 na magsumite ng updated Personal Data Sheet (PDS) at clearances mula sa Civil Service Commission (Csc), National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, ito ay bahagi ng performance review at para masiguro na nananatiling kwalipikado sa trabaho ang mga appointee at walang mga kaso
Nakasaad sa memorandum, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na inaatasan ang lahat ng heads ng department, agencies, offices and instrumentalities kasama na ang government-owned or controlled corporations, government financial institutions at state universities and colleges na magsumite ng updated documentary requirements ang lahat ng presidential appointees.
Ipinasusumite rin ang mga requirements sa Presidential Management Staff (PMS) sa loob ng 30 araw matapos ipalabas ang memorandum.
Ang kautusan ay inilabas nitong Pebrero 2.
Samantala pinabulaanan naman ni Garafil na may napipintong sibakan sa mga presidential appointee ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.