MANILA, Philippines — Nanawagan si Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez na tigilan na ng Senado ang imbestigayon sa People’s Initiative matapos lumitaw sa ikalawang hearing nito na wala kahit isang testigo o ebidensya na tuwirang nagsabi na may suhulan o binayaran sa naganap sa pagkuha ng pirma.
“Tulad ng unang hearing sa Maynila, lahat ng testigo sa Davao City ay nagsabi na wala rin silang tinanggap na pera kapalit ng kanilang pirma sa People’s Initiative,” ani Suarez.
Umapela si Suarez sa Senado na ibaling na ang kanilang pansin sa talakayan at mabilisang pag-apruba ng Resolution on Both Houses na naglalayong amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya sa Konstitusyon.
“Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa Davao City, wala pa ring naipalabas ang komite ni Sen. Imee Marcos na testigo na magpapatunay na may suhulang nangyari. Lahat ng testigo, sinabing wala silang natanggap na pera. Malinaw na malinaw yun,” ani Suarez.
Dagdag ni Suarez, nag-aaksaya lang ng panahon si Sen. Imee sa imbestigasyon. Mas makabubuting ibuhos niya ang atensyon at panahon ng Senado para sa mas makabuluhang bagay tulad ng diskusyon sa RHB No. 6 ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
“Mukhang ipinipilit na lamang ni Sen. Imee na may suhulan. Ang problema niya, kahit saan siya pumunta, kahit sino ang ipatawag nila, lahat nagsasabi na walang perang ibinigay sa kanila,” ani Suarez.
Binigyang-diin ni Suarez ang kahalagahan para sa Senado na simulan sa susunod na linggo ang kanilang iminungkahing mga amyenda sa konstitusyon na naglalayong luwagan ang mga paghihigpit sa ekonomiya at akitin ang mas maraming dayuhang pamumuhunan.
Binigyang-diin niya ang potensyal na mga benepisyo ng mga amyendahang ito, kabilang ang paglikha ng trabaho, pagsulong ng teknolohiya, at pagtaas ng pandaigdigang kakayahan sa kompetisyon.