MANILA, Philippines — Inirerekomenda ngayon ni UN Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan ang pagbuwag sa anti-communist task force ng gobyerno, at sa halip ay ang pagpapasa ng batas para protektahan ang human rights defenders.
Ginawa ni Khan ang kanyang suwestyon sa pagtatapos ng kanyang 10-day visit sa Pilipinas kasama ang mga opisyales ng gobyerno, aktibista, mamamahayag at civil society.
Related Stories
"Itinayo ang NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) anim na taon na ang nakalilipas sa ibang konteksto. Lipas na ang silbi nito," ani Khan sa Inggles sa isang press conference, Biyernes.
"Binabalewala nito ang kasalukuyang pagtanaw sa usapang pangkapayapaan... Kaya inirerekomenda kong lusawin na ang task force."
Nobyembre lang nang pagkasunduan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) — ang political wing ng kilusang lihim ng mga komunista — na simulan uli ang usapang pangkapayapaan anim na taon matapos putulin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa mga rebelde.
Binuo ang NTF-ELCAC noong Disyembre 2018 sa bisa ng Executive Order 70 ni Digong, bagay na layong tapusin ang armadong paglaban ng New People's Army (NPA), ang sandatahan ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Una nang idinulog ni Khan ang isyu ng red-tagging sa Department of Justice, o ang praktika ng bara-barang pag-uugnay sa mga personalidad o grupo sa CPP-NPA-NDFP.
Matagal nang inirereklamo ng human rights groups ang NTF-ELCAC sa red-tagging nito, bagay na nagresulta na aniya sa mga kidnapping, pagkakakulong, at pagpatay kahit sa mga ligal na aktibista at kritiko ng gobyerno.
"Marami sa mga biktima ng paninira at bata at malinaw magpaliwanag. Marami sa kanila ang itinuturo ang NTF-ELCAC bilang salarin o instigador. Bukod pa riyan ang militar, state security officials, senior government officials at media outlets na kaugnay ng political figures," wika pa niya.
"Tinatawagan ko ang ehekutibo at Kamara sa pambansang antas na magpatupad, magpabilis ng pagpapasa ng batas para protektahan ang mga nagtatanggol ng karapatang pantao."
Gobyerno aaralin mga suwestyon ng UNSR
Sa isang joint statement, sinabi ng gobyerno kinikilala nito ang mga mungkahi ng UNSR kung paano mapahuhusay ang pagtatanggol sa human rights at malayang pagpapahayag ng opinyon.
"Ang mga suwestyong ito ay susuriin at pag-iisipang maipatupad, bagay na magsisilbing pundasyon para sa mga patakarang nagtutulak ng pagbabago," sabi ng pahayag na inilabas sa Presidential Communications Office.
"Bagama't bukas sa reporma ang gobyerno, mahihinuha ang kahirapang makilala ang mga lokal at espisipikong detalye sa loob ng 10 araw."
Ipinangako rin ng gobyernong pahuhusayin pa ang pakikipag-ugnayan sa civil society organizations habang "binabalanse" ang karapatan sa free association and expression.
Positibong reaksyon ng human rights groups
Ikinagalak naman ng human rights alliance na Karapatan ang initial findings ni Khan, lalo na't ginawan nito ng paraan para kitain ang mga biktima ng karapatang pantao at political prisoners.
Suportado rin ng Karapatan ang mungkahi ni Khan na buwagin na ang NTF-ELCAC. Si Khan na ang ikalawang UN Special Rapporteur na nagrekomenda nito matapos ni climate change and human rights expert Ian Fry.
"Ang pananaw ni Khan na hindi akma ang makalumang batas sa international human rights standards ay pinatutunayan ng karanasan ng mga biktima ng terror law — ang mga katutubong human rights defenders ng Cordillera na tinawag na lang na 'terorista,' ... kkabataan human rights workers na humaharap sa gawa-gawang kaso nang tulungan ang mga komunidad na apektado ng military operations ng NTF-ELCAC," dagdag pa ng grupo.
"Patuloy kaming makikipag-ugnayan sa tanggapan ni Khan habang inaabangan namin ang kabuuan ng kanyang ulat sa UN Human Rights Council sa Hunyo 2025."
"Patuloy naming ilalantad ang pasistang pananakot na itinutulak ng rehimeng Marcos Jr.-Duterte habang hinahanap ang katarungan... kahit kailan, kahit saan."