UniTeam may ‘tama’ na – Imee

Senator Imee Marcos on January 31, 2024.
STAR/ Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Aminado si Sen. Imee Marcos na “may tama na” ang UniTeam na nabuo sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa nangyayaring “word war” sa pagitan ng dalawa.

Pero agad na nilinaw ni Sen. Marcos na sa tingin niya ay hindi naman problema ang mga “principals” sa UniTeam kundi ang mga nakapaligid lamang sa kanila na tinawag ng senadora na mga demonyo at ahas.

Palagay ko ang Uniteam ay may tama na, may lamat na pagkakaisa pero sa palagay ko principal ‘di naman magulo, ang magulo ‘yung amuyong sa tabi-tabi, ‘yung mga demonyo at ahas sa laylayan. Diyan sa Malacañang tinawag ko ng snake pit ang Malacañang pero ‘yun talaga,” ani Marcos.

Matatandaan na nabuo ang UniTeam noong nakaraang presidential elections kung saan sinuportahan ni Duterte ang kandidatura ni Marcos na naging ka-tandem ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi pa ni Marcos na hindi niya papayagan na masayang ang “second chance” o ikalawang pagkakataon na nakuha ng kanilang pamilya.

Idinagdag ni Sen. Marcos na hindi niya kailangang mamili sa pagitan ng kapatid at ni Duterte na malapit din sa kanya.

Show comments