MANILA, Philippines — Hindi nagustuhan ng mga kongresista na tila mababa ang tingin ng mga senador sa kanila at kailangan lamang sila ng mga ito kapag eleksyon.
Ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr., walang nakasaad sa Konstitusyon na Upper House at Lower House kaya hindi umano dapat isipin ng mga senador na mas mataas sila sa mga kongresista.
“Meaning to say parehas lang tayo. Baka sasabihin natin Lower House at Slower House. Hindi ko alam, pero wala akong sinasabing ganun, sinasabi lang sa labas ‘yun. Pero sa Constitution walang lower house at upper house,” sabi ni Gonzales.
Binanggit ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez na nakaka-offend ang sinasabi ng mga senador na hindi sila dapat ikumpara sa mga kongresista.
Iginiit ni Suarez na pantay lang ang mga senador at kongresista.
“Kahit Senador sila at Congressman kami, pare-parehas lang naman po kami. ‘Wag naman n’yo kaming sasabihan na nationally elected (kayo), kami distrito lang kayo, party list lang kayo mas marami ang boto namin kesa sa inyo, apples and oranges,” sabi ni Suare.
“Excuse me ha, bakit pagdating ng kampanyahan sa amin naman kayo lumalapit at humihingi ng tulong ah. Kaso ‘pag nanalo na kayo iba na ang levels natin? Pare-parehas lang tayong Pilipino, pare-parehas lang tayong anak ng Diyos. Dapat respetuhan lang tayo sa isat-isa,” punto pa ni Suarez.