MANILA, Philippines — Hinamon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sebastian Duterte na patunayan ang kanilang mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sinabi ni Romualdez na maaaring ang mga sinabi ng mag-amang Duterte sa ginanap na rally sa Davao City noong Linggo ng gabi ay “budol-budol stories” na naman.
“So unless you have proof na ‘yung mga alegasyon ninyo na kung bakit nananawagan dyan na sa ating mahal na Presidente Ferdinand R. Marcos na bumaba sa pwesto sana mag isip-isip muna kayo, mag-isip muna kayo at ilabas ‘yung mga pruweba. Kasi alam natin hindi totoo ang mga sinasabi ninyo,” sabi ni Romualdez.
Magugunitang nanawagan si Mayor Duterte kay Marcos na bumaba sa pwesto.
“Uulitin ko, tigilan nyo na ‘yung mga budol-budol n’yo ‘di ba. Dapat seryoso na tayo at igalang na lang natin ang ating Presidente na nagtatrabaho ng maigi. Masipag siya at talagang tinatrabaho n’ya ‘yung magandang buhay para sa mga Pilipino,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
Nanawagan din si Romualdez sa mga Duterte na irespeto si Marcos na nakatanggap ng pinakamalaking mandato sa kasaysayan na umabot sa mahigit 31 milyon, mas malaki pa sa botong nakuha ni dating Pangulong Duterte.
“Sa pamilyang Duterte, siguro konting galang naman sa ating mahal na presidente tsaka sa pamilya n’ya. Noong panahon ng rehimen n’yo, iginalang naman kayo,” dagdag pa nito.
“Masyadong maaga naman ninyo gustong ipabagsak ang rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr., very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas.”
“Walang katotohanan ‘yan. Si Mr. former president sabi niya nasa drug list, na-check natin na never na never na si President Ferdinand R. Marcos ay nailagay sa drug list. Kaya hindi ko alam kung nag iisto-istorya ka na naman. Tigilian mo na ‘yung budol-budol galing sa Davao,” wika pa ng Speaker.