Reporma sa edukasyon masasayang kung walang sapat na silid-aralan
MANILA, Philippines — Iginiit ni Department of Education Undersecretary Epimaco Densing III na mawawalan ng saysay ang mga reporma sa edukasyon sa bansa kahit pa mayroon tayong pinakamahusay na kurikulum at pinakamagaling na mga guro kung wala namang sapat na mga silid-aralan na angkop para sa pag-aaral.
Sinabi ni Usec. Densing, officer-in-charge para sa Schools Programs Management Office at Educational Facilities Division, na may kakulangan o backlog sa mga silid-aralan na umaabot sa 168,000 sa buong bansa.
Binigyang-diin niya na ang malaking kakulangang ito ay nakakaapekto sa hindi bababa sa 4-5 milyong mag-aaral sa buong bansa.
Salungat sa karaniwang paniniwala, mas nangangailangan ng mga dagdag na silid-aralan ang mga mataong lugar tulad ng Cebu City at Metro Manila kumpara sa mga rural na lugar.
Bago magbukas ang klase noong nakaraang taon, inamin ng Department of Budget and Management na walang sapat na pondo ang gobyerno sa kasalukuyang budget. Dahil sa problemang pinansyal sa pagkuha ng budget mula sa pambansang pondo, iminungkahi ni Densing ang pagtanggap ng tulong pinansyal mula sa mga pribadong organisasyon at mga dayuhang pamahalaan.
Sa kabila ng mga hamong ito, may positibo at optimistikong pananaw si Usec. Densing na sa takdang panahon, malulutas din ang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan.
- Latest