VP Sara suportado ‘Bagong Pilipinas’, tutol sa Cha-cha

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta si Vice President Sara Duterte sa dalawang rally na magkasabay na idinaos kahapon, kabilang dito ang kick-off rally ng Bagong Pilipinas na isinagawa sa Quirino Grandstand sa Maynila na pinangunahan ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. at ang prayer rally kontra Charter Change na isinagawa naman sa Davao City sa pangunguna ng kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte.
Nabatid na personal pang dumalo si VP Sara sa Bagong Pilipinas kick-off rally dakong alas-4:00 ng hapon upang ipakita ang kanyang suporta.
Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara na, “Kaisa ang buong Department of Education sa pagsusulong ng 8-point Socioeconomic Agenda ng Marcos administration para sa pagbabago ng buhay ng mga Pilipino.”
“Kasama rin ako sa prayer rally ng iba’t ibang sektor sa Davao City laban sa isinusulong na charter change,” aniya pa.
Ayon kay Duterte, mahalagang makita at maintindihan ng lahat ang panganib na nakaamba sa oras na tuluyang isuko natin ang Saligang Batas sa kamay ng mga taong may personal at politikal na interes.
Panawagan pa niya, “Manindigan tayo laban sa pagbabago sa ating Saligang Batas sa pamamagitan ng ‘Pera kapalit ng pirma para sa People’s Initiative.’”
- Latest