MANILA, Philippines — Itinanggi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magkakaroon ng “constitutional crisis” sa isinusulong na People’s Initiative (PI) na pag-amyenda sa Saligang Batas.
“Kami sa Lower House tapos na ang assignment. Wala kaming back subjects kaya wala ring constitutional crisis,” ani Barbers.
“Mabuti mag-usap na lang kami ng mahinahon hindi kung anu-anong multo ang nakikita ng mga senador. Wala namang term extension na issue, economic lamang talaga,” dagdag ni Barbers.
Nauna rito, nagpadala ng liham si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Senate President Juan Miguel Zubiri upang ipahayag ang kahandaan ng Kamara na suportahan ang inihain nitong Resolution of Both Houses (RBH) No. 6, na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Gayunman sa naging tugon ni Zubiri, nagbabala ito ng posibleng constitutional crisis dahil sa pagsusulong umano ng Kamara ng PI.
“Nakakalungkot ang pahayag ni Senate President Zubiri na naisip kaagad ang constitutional crisis sa halip na yakapin ang pakikipagkaisa na inaalok ni Speaker Romualdez sa pagpasa ng RBH No. 6 ng Senado,” ani House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe.
Sinabi naman ni Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte na dapat irespeto ng mga senador ang mga nagsusulong ng PI at sundin ang magiging desisyon ng mga Pilipino na siyang boboto kung sila ay pabor o hindi sa gagawing pagbabago sa Saligang Batas.