MANILA, Philippines — “I was his campaign manager!”
Ito ang tila buwelta ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa patutsada ni Vice President Sara Duterte na wala siyang kinalaman sa kaniyang pagwawagi bilang Bise Presidente noong May 2022 national elections sa bansa.
Sa press briefing nitong Biyernes ng tanghali, sinabi ni Romualdez na kahit sinasabi ni VP Sara na wala siyang kinalaman kung bakit nahalal ito sa puwesto, aniya ay may pinagsamahan pa rin sila kahit papaano.
Noong panahong tumatakbong Bise Presidente si Sara ay inianunsyo nito na si Romualdez ang kaniyang campaign manager sa pangkalahatan. Ang isa pa ay si dating Davao Occidental Governor Clyde Bautisa na ang kampanya ay nakapokus sa rehiyon ng Davao at ilang bahagi ng Mindanao.
“I was her campaign manager. We worked very hard together and I was very, very happy when she was successfully elected with a very, very, very high mandate for VP,” pagpapaalala pa ni Romualdez kay Duterte.
Sa katunayan ay binati pa umano niya si Duterte nang magwagi ito bilang VP, nirerespeto niya ito at wala siyang tanging hangad kundi ang ikabubuti nito bilang VP at Secretary ng DepEd.
Magugunita na bago tumakbong Bise ay sumapi si Duterte sa Lakas-CMD noong Nobyembre 2021 kung saan ibinigay rito ang posisyon bilang Vice Chairperson ng nasabing partido pulitikal.
Gayunman noong Mayo ay nagkaroon ng hindi pagkakasundo sina Romualdez at Duterte dahil umano sa tangkang ikudeta ang liderato ng Kamara noong Mayo 2023.
Nagbitiw sa Lakas-CMD si Duterte matapos tanggalin si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang Senior Deputy Speaker ng Kamara. Si Arroyo ay pinaghihinalaang nagplano ng kudeta kay Romualdez bagay na itinanggi ng una.
Inihayag pa ni Romualdez na sa mga naging kaganapan ay hindi naman niya binira si VP Duterte.