Pangulong Marcos hiwalay na pinulong Senado at Kamara
MANILA, Philippines — Kinansela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) nitong Huwebes, sa halip ay nagkaroon ng hiwalay na executive session sa mga pinuno ng Senado at Kamara.
Sinabi ni Sen. Imee Marcos na ang magkahiwalay na meeting ay nangyari sa gitna ng maliwanag na hindi pagkakasundo ng dalawang kapulungan dahil sa People’s Initiative.
“Wala ng LEDAC kanina dahil nagmeeting muna [PBBM] sa mga senador, tapos hiwalay naman ‘yung [HOR],” ani Marcos.
Kinumpirma naman ni Sen. Joel Villanueva na sa halip na LEDAC meeting ay nagkaroon sila ng executive session kasama ng Pangulo.
Idinagdag ni Senator Marcos na hindi magiging hadlang ang Senado sa pagpasa ng mga batas at pagbabago ng Konstitusyon kung ito ay para sa ikabubuti ng bayan.
“Hindi kailanman magiging hadlang ang Senado sa pagpasa ng mga batas, pati amendment sa constitution, tungo sa ikabubuti at pagpapa-unlad ng bayan. Itong [people’s initiative] ang s’yang nagiging sagabal sa [tuloy-tuloy] naming trabaho,” ani Senator Marcos.
Ito ang unang pagkakataon sa administrasyong Marcos na magkahiwalay na nakipagpulong ang Pangulo sa mga pinuno ng Kamara at Senado.
Nangyari ang hiwalay na pulong ilang araw matapos maglabas ang Senado ng manifesto laban sa pagpapatuloy ng people’s initiative.
- Latest