MANILA, Philippines — Libo-libong toneladang “toxic waste” ang nahukay ng mga tauhan ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR) sa isang poultry farm sa isang barangay sa Palompon, Leyte na pag-aari umano ng isang opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Atty. Lloyd Surigao, abogado ng mga residente ng Barangay San Joaquin sa bayan ng Palompon, na nagawa nilang makakuha ng search warrant sa DBSN poultry farm na dahilan ng isinagawang paghuhukay ng DENR-Region 8 noong Enero 21.
Doon natuklasan ang libo-libong toxic waste, kabilang ang mga dumi ng manok, na nakabaon sa lupa mula umano sa naturang farm. Sinabi ni Surigao na malinaw na patunay ito ng lantarang paglabag ng naturang farm sa mga batas sa kalikasan.
Nakabinbin ngayon ang isang kasong kriminal sa Palompon, Leyte Regional Trial Court Branch 45, laban sa mga may-ari ng DBSN Farm, dahil sa pagkalason umano ng mga water source sa barangays San Joaquin at Lat-osan dulot ng toxic waste na nanggagaling dito.
Sinabi ni Surigao na malaking panalo sa mga residente ng San Joaquin ang desisyon ng RTC na hayaan ang “search and excavation” sa ilang lugar ng Palompon Protected Watershed na inookupahan ng farm.
“When the DENR excavated 3 areas pointed out by our witnesses, lahat positive sa basura. That is proof that wastes were dumped there,” saad ni Surigao.