MANILA, Philippines — Ikinabahala ng isang mambabatas ang "misleading" na datos ng gobyerno pagdating sa mapagpipiliang local modern jeepneys sa gitna ng PUV modernization program — ito habang higit P2 milyon kada unit kung ibenta ang foreign counterparts nito.
Ibinunyag ito ni Kabataan Rep. Raoul Manuel, Miyerkules, matapos ipagmalaki ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na malayang mamili ang PUV coops sa 32 models ng "locally manufactured or assembled" e-jeeps.
Related Stories
"Bagama't may almost 5,000 PUV units classified as locally manufactured or assembled, marami sa kanilang mother companies ay mula ibang bansa," wika ni Manuel sa imbestigasyon ng House Committee on Transportation kahapon.
"Kung tutuusin, 93% ng lahat ng modern PUV units ang mula sa mga foreign companies."
Habang umaabot ng P2.8 milyon kung ibenta ang ilang modern public utility vehicles (PUV) sa merkado, merong mga Filipino PUV manufacturers gaya ng Sarao at Francisco Motors na nagbebenta ng modern jeeps sa halagang P985,000.
Una nang inireklamo ng transport groups na posibleng mabaon sa utang ang mga operator o kooperatiba sa milyun-milyong pisong sasakyan, malayo sa traditional jeepneys na nagkakahalaga lang ng P200,000 hanggang P600,000.
Layunin ng PUV modernization program itransisyon ang sektor ng transportasyon mula traditional PUV units patungong "eco-friendly" modern minibuses 27 buwan matapos ang deadline ng konsolidasyon papasok ng kooperatiba. Dudulo ito sa jeepney phase out.
"Meron palang Filipino companies na kaya namang magproduce nang mas mura. Bakit di sila ang i-prioritize? Parang sadya silang ‘di pinansin para papasukin ang mga foreign auto manufacturers," dagdag pa ni Manuel.
"Patunay ito na makadayuhan at maka-korporasyon ang programa na ito. Dapat ibasura ang ganitong programa ng modernisasyon. Ang nais natin ay makamasang transportasyon na nakabatay sa pambansang industriyalisasyon."
Matatandaang inaprubahan ng House Committee on Transportation kahapon ang isang resolusyong naghihikayat kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na iusog ang naunang December 31 consolidation deadline.
Kagabi lang nang ianunsyong i-extend ni Bongbong patungong ika-31 ng Abril ang naturang deadline, matapos iprotesta ng mga tsuper at operator ang posibleng pagkawala ng trabaho.