MANILA, Philippines — Inamin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Miyerkules na takot siyang makulong dahil sa kanyang mga apo dahil baka hindi niya makita ang mga ito.
Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag sa kabila nang paninindigan na wala siyang nagawang krimen at walang dahilan para imbestigahan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa “war on drugs” noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan siya ang naging hepe ng Philippine National Police.
Sinabi ni Dela Rosa na mahal niya ang kanyang mga apo at hindi naman sila makakadalaw sa The Hauge.
“Takot ako na makulong dahil kawawa ang mga apo ko, hindi ko na makikita. ‘Yun lang ang akin. Buti kung makulong ka lang dito sa Pilipinas. Ikukulong ka doon sa Hague…Kawawa naman ‘yung mga apo ko. I love my apos so much,” ani Dela Rosa.
Nauna rito, sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV dumating sa bansa ang mga imbestigador ng ICC noong Disyembre at nakapagsagawa ng mga panayam sa mga kinauukulang indibidwal kaugnay sa mga namatay sa “war on drugs” ni Duterte.
Tinawag naman ni Dela Rosa si Trillanes na isang “destabilizer” dahil ginugulo lamang nito ang sitwasyon.
Matatandaan na nanindigan ang gobyerno na hindi papayagan ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon dahil gumagana naman ang justice system ng bansa.