MANILA, Philippines — “Unmissable!” o hindi dapat mapalampas ang concert ng sikat na British band na Coldplay sa Philippine Arena sa Bulacan noong Enero 20.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa panayam sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City.
Ayon sa Presidente, ibang klase ang concert ng Coldplay na hindi dapat palagpasin at batid naman ng lahat na isa siyang music lover at matagal na nag-aral sa musika ng ilang taon.
“And, to have somebody like Coldplay- you can’t- unmissable dapat ‘yun. You cannot miss. So, I went and it was-by the way, it was fantastic. It was great,” pahayag ng Pangulo matapos tanungin kung mayroon pa ba siyang “me time” o panahon sa kanyang sarili.
Matatandaan na umani ng batikos si Pangulong Marcos sa paggamit ng presidential chopper sa panonood ng concert ng Coldplay.
Subalit paliwanag ni Presidential Security Command Major General Nelson Morales na dahil sa matinding trapik at banta sa seguridad ay pinili nilang gumagamit na lamang ng chopper.
Tinatayang nasa 40,000 katao ang nanood sa naturang konsiyerto.