Bantay-riles kontra sakuna inutos ng mayor sa mga barangay
MANILA, Philippines — Iniutos ni Polangui Mayor Raymond Adrian Salceda sa mga opisyal ng mga barangay na dinadaanan ng train ng ‘Philippine National Railways (PNR)’ na magsagawa agad ng malawakang pagturo at paalala sa lahat ng mga naturang barangay upang maiwasan ang mga aksidente matapos mahagip at mapatay ng tren ang 21-anyos na lalaki noong nakaraang Biyernes ng hapon.
Walong mataong mga barangay ang dinadaanan ng PNR Naga-Legazpi train sa bayang ito -- Agos, Matacon, Lanigay, Sugcad, Magurang, Santicon, Apad, at Basud. Ang ilan sa mga ito ay nasa kalagitnaan ng Polangui.
Nagpahayag ng pagkabahala si Salceda sa dalawang aksidente sa tabi ng riles ng tren na kumitil din ng dalawang buhay sa kanilang bayan mula nang binuhay muli ang biyahe ng PNR Camarines Sur-Albay train noong nakaraang taon.
Ang aksidente nitong nakaraang Biyernes ay naganap sa Brgy. Sugcad. Ang nauna ay nangyari noong Nobyembre 6, 2023 sa Brgy. Apad kung saan isang 29-anyos na lalaking “epileptic” ang nahulog diumano sa riles at nasagasaan ng tren. Isa ring aksidente ang naiulat na nangyari sa Naga City noong 2023.
Sa isang ‘executive order’ na inilabas ni Mayor Salceda noong Biyernes, inatasan niya ang ‘chairman’ ng mga naturang barangay na magtalaga ng mga Tanod na bantayan ang istasyon ng tren sa kanilang mga barangay sa oras ng biyahe ng tren sa lugar nila. May dalawang balikang biyahe ang PNR Naga-Legazpi train -- isa sa umaga, isa sa hapon. Bawat biyahe na humihinto sandali sa Ligao City ay naglululan ng mga 250 pasahero.
“Iniutos ko rin sa aming ‘Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office’ na makipag-ugnayan sa Police at magsagawa ng mga ‘orientation session’ at mamigay ng mga ‘information campaign materials’sa mga nakatira sa mga barangay na dinadaanan ng tren,” ayon kay Salceda at binigyang diin na hindi dapat ginagawang istambayan ang tabi ng riles.
- Latest