DILG sa barangay officials...
MANILA, Philippines — Binalaan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga barangay officials na makikilahok sa signature campaign para amyendahan ang 1987 Konstitusyon na papatawan ng kaukulang parusa.
Ito’y sa gitna na rin ng mga ulat na umano’y may kapalit na P100 ang paglagda sa iniratsadang signature drive sa iba’t-ibang bahagi ng bansa para sa People’s Initiative.
Ayon kay Abalos, nakatanggap ng report ang kaniyang departamento na nakikisali umano sa “pirma” ang mga Barangay officials bagaman wala pa naman silang natatanggap na reklamo laban sa mga ito.
Sinabi nito, ipinagbabawal sa batas na makisangkot ang mga opisyal ng Barangay sa people’s initiative at hindi rin aniya ang mga ito dapat gamitin ng mga grupong nagsusulong sa Cha-cha para mangalap ng lagda.
Kaugnay nito, hinikayat naman ng DILG Chief ang sinuman na nais na magreklamo na dumulog sa kanilang tanggapan para mabigyan ito ng aksiyon.
Ayon naman kay DILG Undersecretary Chito Valmocina, kasalukuyan na nilang beneberipika ang mga impormasyon sa umano’y pakikisawsaw ng mga opisyal ng Barangay at iginiit ding ultimo magkomento sa isyu ay ipinagbabawal din sa mga ito.