ICC probers ‘di haharangin – DOJ
MANILA, Philippines — Hindi haharangin ng Department of Justice (DoJ) ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) na nag-iimbestiga sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte kung pagkuha ng ebidensya at testimonya ang kanilang pakay.
Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, mahalaga na nasusunod ang legal na proseso at walang iligal na ginagawa ang mga ICC prober.
“We’re not here to stop them because if they’re not doing anything illegal, there’s nothing wrong with that,” ani Remulla sa panayam ng international news agency.
“If they’re getting statements, they’re getting evidence. It’s okay,” sabi pa ng kalihim ng DOJ.
“But we have to clarify many issues, especially about procedure,” dagdag pa ni Remulla.
Matatandaan na umatras ang Pilipinas, sa ilalim ng administrasyong Duterte, sa pagiging miyembro ng ICC matapos nitong pakinggan ang reklamong crimes against humanity kaugnay ng libu-libong nasawi sa war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.
Nagpatuloy naman ang imbestigasyon ng ICC bagamat limitado na lamang ang saklaw nito sa panahon kung kailan miyembro pa ang Pilipinas ng ICC.
Nauna rito, sinabi ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes na maaaring tapos na ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng ICC sa bansa at binubuo na nito ang kaso laban kay Duterte at mga kasabwat nito.
Sinabi ni Remulla na narinig niya ang mga ganitong usapan.
Idinagdag naman ni Remulla na dapat ay masunod ang proseso at matiyak ang pagrespeto sa karapatang-pantao.
- Latest