MANILA, Philippines — Dagdag na pamumuhunan at mapapasukang trabaho ang layunin ng pagpunta ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng kanyang delegasyon sa 2024 World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Matagumpay na ipinakita ni Speaker sa foreign investors na dumalo sa WEF kung bakit sa Pilipinas sila dapat mamuhunan.
Sinabi ni Speaker Romualdez sa foreign investors na ngayon ang tamang panahon upang maglagak ng pamumuhunan sa Pilipinas at ibinida rin nito ang bagong tayong Maharlika Investment Fund (MIF) na siyang popondo sa mga malalaking proyekto na kailangan ng bansa.
Sa kanyang pagsasalita sa “Breakfast Interaction with the Philippine Delegation” sa 2024 WEF roundtable discussion sinabi ni Romualdez na gumagawa ng pagbabago sa polisiya ang administrasyong Marcos upang maging investor-friendly ang bansa.
Anya, pinatunayan ng pag-angat ng ekonomiya ng bansa na epektibo ang mga pagbabagong ginagawa ng administrasyong Marcos at inaasahang patuloy pang uunlad ang bansa.
Malaki rin ang maitutulong ng MIF sa pamumuhunan mula sa lokal at dayuhang investors upang mapondohan ang mga malalaking proyekto na hindi agad maipagagawa ng gobyerno.
Sinabi rin ni Romualdez sa mga dayuhang mamumuhunan na nagkasundo na ang Senado at Kamara sa pangangailangan na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon na naglilimita sa kanilang pamumuhunan na maaaring ilagak sa bansa.
Sa pagdami ng dayuhang mamumuhunan sa bansa, ipinaliwanag niya na dadami rin ang mga trabaho na maaaring mapasukan ng mga Pilipino na makatutulong upang gumanda ang estado ng kanilang pamumuhay.