DOJ: ICC drug war probe ‘di pipigilan ng pamahalaan
MANILA, Philippines — May posibilidad umanong matuloy ang pag-iimbestiga ng International Criminal Court (ICC) sa ‘war on drugs’ ni dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos na ihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi pipigilan ng pamahalaan ang ICC sa gagawing imbestigasyon kung tumatalima naman ito sa legal procedures ng pamahalaan.
“We’re not here to stop them (ICC) because if they’re not doing anything illegal, there’s nothing wrong with that,” pahayag pa ni Remulla, sa isang ulat na inilabas ng Kyodo News, nitong Huwebes ng gabi.
Ang tinutukoy ni Remulla ay ang intensiyon ng ICC na imbestigahan ang ‘Oplan Tokhang’ na inilunsad ng dating pangulo upang labanan ang pagkalat ng illegal na droga sa bansa noong panahon ng kanyang panunungkulan, ngunit nagresulta sa pagkamatay ng ilang drug suspects, na sinasabing nanlaban sa operasyon ng mga pulis.
Ayon kay Remulla, kung kukuha lamang ng mga pahayag at mga ebidensiya ang ICC ay wala silang nakikitang masama dito.
Gayunman, kailangan muna aniya nilang klaruhin ang maraming isyu hinggil sa pamamaraan kung paano ito gagawin ng ICC.
“If they’re getting statements, they’re getting evidence. It’s okay,” ani Remulla. “But we have to clarify many issues, especially about procedure.”
Aminado si Remulla na may natatanggap siyang ulat na may imbestigador mula sa ICC Office of the Prosecutor ang bumibisita sa bansa at umaasa aniya siyang makikipag-ugnayan ang mga ito sa DOJ.
“We will have to deal with several legal implications of the action of the ICC in the Philippines, and it might have to end up in the Supreme Court of the country,” aniya.
Dagdag pa ni Remulla, “procedural matters have to be observed to make sure that the rights of people are respected.”
- Latest