MANILA, Philippines — Pansamantalang sinuspinde ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang importasyon ng sibuyas hanggang sa buwan ng Mayo o posibleng magtagal hanggang Hulyo ngayong taon kung sapat naman ang ani ng produkto para punan ang demand dito ng bansa.
Ang hakbang ay pinalabas ni Laurel upang maiwasan ang pagbagsak ng presyo ng local onions dahil sa inaasahang pagbaha ng suplay nito sa bansa.
Sa pulong ni Secretary Laurel sa mga representatives ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. tinalakay ang posibleng pagdami ng suplay ng sibuyas dahil sa fresh harvest at dagdag na suplay na inimport noong Disyembre.
“In principle, I agree with no onion importation until July. But that is on condition that if there is a sudden supply shortfall, we will have to import earlier. Hindi po natin alam ang mangyayari dahil may El Niño,” sabi pa ni Laurel.
Ang matinding epekto ng El Niño ay inaasahang papalo sa mga pataniman sa Marso at Abril ngayong taon.
Ang farm gate price ng sibuyas sa ngayon ay nasa P50-P70 kada kilo. Sa Nueva Ecija na may 97 percent onion producers sa Luzon ay may P20 lamang ang kada kilo sa ngayon.