MANILA, Philippines — Tinamaan ng nag-iisang mananaya ang daan-daang milyong halaga ng papremyo matapos mapagwagian ang Superlotto 6/49 daw nitong Martes.
Kahapon lang nang mapalanunan ito matapos maibola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang sumusunod na winning combinations: 26-33-14-48-06-42.
Related Stories
Hindi pa naman iniispluk ng PCSO kung saang lungsod, munisipalidad o probinsya nabili ang ticket ng swerteng nanalo.
Samantala, wala namang pinalad na makakuha ng jackpot prize para sa Ultra Lotto 6/58, Lotto 6/42 at 6D Lotto kahapon na kapwa milyun-milyon din ang papremyo.
Nangyayari ito matapos lumobo ang Megalotto 6/55 jackpot prize sa P680.37 milyon, bagay na hindi pa rin napapalanunan sa ngayon.
Bagama't P640,654,817.60 ang kabuuan ng jackpot prize, hindi ito buong-buong makukuha ng naturang lotto winner alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sakop kasi ng 20% tax ang mga lottery winnings na higit sa P10,000.
Una nang sinabi ng PCSO na kinakailangang makubra ang anumang papremyo sa loob ng isang taon. Mapupunta sa Charity Fund ng naturang ahensya ang pera kung sakaling mabigo ang winner na makuha ito sa takdang panahon.