MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 30 porsiyento ng agricultural products sa bansa ang nasisira o nasasayang kada taon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, ito ay dahil sa mahina ang logistics system ng food supply chain ng Pilipinas.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Tiu na kung maayos lang sana ang logistics system ng bansa ay mababawasan sana ng 10-15 porsiyento ang presyo ng mga gulay at high value crops tulad ng prutas.
Nilinaw naman ng kalihim na ang 30% wastage ay base lamang sa kanyang personal na karanasan sa pagnenegosyo at hindi base sa datos, subalit kinumpirma rin ito sa kanya ng kanyang kausap sa Food Terminal Inc. (FTI).
Sinabi rin ni Tiu na sa ginanap na sectoral meeting nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay inilatag nito ang 3-year plan na para sa “Masaganang Bagong Pilipinas” na naglalayong pataasin ang produksyon ng agri-fishery industry.
Subalit para maipatupad ang nasabing programa ay nangangailangan umano ang gobyero ng P93 bilyong pondo sa loob ng tatlong taon at karagdang P5 bilyon para sa cold storage facility matapos ang tatlong taon.
Habang nasa 5,000 pallet position cold storage facility naman ang kailangan para sa cold storage facility, subalit sa ngayon ay hindi pa umano alam kung saan kukunin ang pondo para rito.