18 Pinoy crew sa kinumpiskang oil tanker Iran, hirit palayain
MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa embahada ng Iran para sa agarang pagpapalaya sa 18 Filipino crewmen na sakay ng isang American tanker na St. Nicolas na kinumpiska ng Iran sa Gulf of Oman.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega na wala namang indikasyon na sinaktan o minaltrato ang mga Pinoy na sakay ng barko, subalit sa ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na official report mula sa embahada sa Tehran kung ano ang tunay na kalagayan ng mga Pinoy doon.
Iba umano ang sitwasyon ngayon dahil ang tunay na pakay ay kunin ang barko at hindi i-hostage ang mga sakay nito kaya collateral damage lang sila kaya tiwala ang gobyerno ng Pilipinas na hindi sasaktan ang mga Pinoy na sakay nito.
Idinagdag pa ni De Vega na patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Migrant Workers (DMW)at ang manning agency ng mga Pinoy seamen sa kanilang mga pamilya at tiniyak na ginagawa nila ang lahat para sa kaligtasan ng kanilang mga mahal aa buhay.
Nauna na rin nanawagan ang Estados Unidos sa Iran na kaagad palayain ang mga sakay nito at payagang makaaalis ang barko.
- Latest