MANILA, Philippines — Dahil sa kawalan ng sapat na merito, ipinawalang-saysay ng Naga City Prosecutor’s Office ang reklamong Cyberlibel na inihain ni Mayor Nelson Legacion laban sa isang supporter umano ni dating Vice President Leni Robredo.
Sa resolution na inilabas ni Prosecutor Ruben Almerol Jr., hindi nakitaan ng malisya ang naging komento ni Domina Bien Realda sa survey na isinagawa ng “Bagong Bicol” Facebook page ukol kay Legacion.
Ito ay may kinalaman sa pagpili sa pagitan nina Legacion at Robredo bilang alkalde ng lungsod para sa 2025 local election.
Inalmahan ni Legacion ang naging komento ni Realda sa survey na nagsasabing tiwaling opisyal umano ang alkalde.
Para sa opisyal, mapanira sa kanyang pagkatao at reputasyon ang komento ni Realda kaya’t inihain ang reklamong cyber libel alinsunod sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ikinatwiran naman ni Realda na pinili lamang niya sa survey si Robredo at ang kanyang komento ay sagot lamang sa pahayag ng isa pang netizen.
Sa resolution, iginiit ng Piskalya na dapat bukas sa mga batikos at puna ng mamamayan ang sinumang opisyal bilang bahagi ito ng kanilang trabaho.
Sinang-ayunan din naman ni City Prosecutor Ruvi Jean Villagomez - Cariño ang naging resolusyon.