985 pulis sinibak sa serbisyo – PNP
MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na umaabot sa kabuuang 985 na mga pulis ang tuluyan nang nasibak sa serbisyo mula July 1, 2022 hanggang January 3, 2024.
Sa datos ng PNP, sinabi ni Acorda na umabot sa kabuuang 3,932 kaso ang naresolba kung saan 985 ang tuluyang sinibak sa serbisyo sanhi ng pagkakasakot sa iligal na droga at paggamit ng droga.
Nasa 230 mga pulis naman ang pinatawan ng demotion; 1,701 pinatawan ng suspension kabilang ang 60 pulis na sangkot sa illegal drugs; 134 ang pinatawan ng forfeiture of salary.
Pumalo naman sa 694 pulis kabilang ang 3 sangkot sa illegal drugs ang pinatawan ng reprimand; 79 pulis ang pinatawan ng restriction at 109 ang binawian ng benepisyo.
Aniya, ang 3,932 bilang ng mga pulis na napatawan ng karampatang parusa dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang mga iligal na aktibidades ay nasa 0.25 percent ng kabuuang bilang ng police force.
Tiniyak naman ni Acorda na tuluy-tuloy ang kampanya ng kapulisan kontra iligal na droga na bahagi ng kanyang focus agenda at pagrespeto sa human rights.
Layon pa rin nilang maibalik ang tiwala ng publiko sa Pambansang Pulisya.
- Latest