MANILA, Philippines — Manunumpa umano ngayong Biyernes si House Deputy Speaker Ralph Recto bilang bagong kalihim ng Department of Finance (DOF), kapalit ni Benjamin Diokno.
Bagaman wala pang opisyal na pahayag tungkol dito ang Presidential Communication Office (PCO), kinumpirma ni dating Batangas Rep. Vilma Santos-Recto ang magaganap na panunumpa ngayong araw sa Malacañang ng kaniyang mister sa isang panayam ng GMA Integrated News.
Kasabay nang pagbati, nagpahayag ng kasiyahan si Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagkakahirang kay Recto bilang bagong kalihim ng DOF.
“I wholeheartedly welcome the appointment of our dear friend, Senator Ralph Recto, as our new Finance Secretary,” ani Zubiri.
Ipinaalala ni Zubiri na sa Senado, itinuturing nila si Recto bilang “resident number genius hindi lamang dahil sa galing nito sa numero kung hindi dahil nakikita rin nito ang “big picure” ng implikasyon ng mga numero.
Alam din anya ni Recto kung papaano iuugnay ang mathematics sa realidad na kinakaharap ng bansa.
Naniniwala si Zubiri na magiging isang magaling na Finance Secretary si Recto at isusulong nito ang pagpapabuti ng ekonomiya ng bansa.
Samantala, welcome para kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda ang nakatakdang appointment ni Recto bilang kalihim ng DOF.
Ayon kay Salceda, nakikita niya ang potensyal na appointment ni Recto bilang makabuluhang hakbang para matugunan ang crucial na mga isyu tulad ng cost of living, unemployment, at expanding the country’s fiscal space.
Iginiit din ni Salceda na mahalaga ang gjnampanan ni Recto sa paggawa ng 1997 Comprehensive Tax Reform Program noong panahong nasa Kamara soya at nagpapakita ng commitment para sa pag transform sa economic policies.
Tiwala naman ang kongresista na magkakaroon ng positibong impact ang appointment ni Recto sa pagpapabilis ng key tax reform na nakabinbin ngayon sa Senado.