MANILA, Philippines — Nagbigay na ng committment si Indonesian President Joko Widodo na muling rerepasuhin ang kasong illegal drugs na kinakaharap ni Mary Jane Veloso.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Sectetary Cheloy Garafil, na ginawa ni Indonesian President Joko Widodo ang pahayag nang makausap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa tatlong araw na official visit sa bansa.
Si Veloso ay nahaharap sa parusang kamatayan sa Indonesia matapos makumpiskahan ng 2.6 kilo ng heroin noong 2010.
Subalit itinanggi ni Veloso na kanya ang nakuhang droga at sinabing ipinadala lang ito sa kanya ng recruiter na si Kristina Sergio.
Ayon kay Garafil, pinakinggan ni Widodo ang apela ni Pangulong Marcos na suriing muli ang kaso ni Veloso.
“Yes, with the decision of the Indonesian government to look into the case filed by Mary Jane Veloso in the Philippines,” ayon pa kay Garafil.
HInihintay na lamang umano ng Indonesian government ang desisyon korte dito sa Pilipinas na inihain ni Veloso.
Matatandaan na noong Abril 2015 nakatakda sanang i-firing squad si Veloso subalit hindi natuloy para mabigyan ng pagkakataon na maging saksi sa human trafficking case na isinampa sa kanyang recruiter.