Paggamit sa Malasakit Centers sa panloloko, kinondena ni Bong Go
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa publiko na maging mapagbantay laban sa mga mapanlinlang na social media pages na gumagamit sa logo ng Malasakit Centers para makapanloko sa pamamagitan ng bogus loan assistance.
Nauna rito, nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa ilang Facebook page na iligal na gumagamit sa pangalan at logo ng Malasakit Program Office na nagsasabing sila ay online outlet para sa mga center.
Gayunpaman, ang mga platform na ito ay walang kaugnayan sa mga lehitimong Malasakit Centers, na kilala bilang one-stop shop sa loob ng mga ospital ng gobyerno, sa pagbibigay ng tulong-medikal at pinansyal sa mga nangangailangan.
Binigyang-diin ni Go, tagapagtaguyod ng programang Malasakit Centers, na ang tungkulin nito ay ibalik ang pondo ng publiko sa mga Pilipino sa pamamagitan ng maaasahang serbisyong medikal, partikular na sa mga mahihirap.
“Walang kapalit ang tulong mula sa Malasakit Centers. Pera ng taumbayan yan, binabalik lang sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo o tulong pampagamot,” idinagdag ng senador.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Nagbabala si Go laban sa mapanlinlang na paggamit sa pangalan ng Malasakit Center sa pagsasabing suportado niya ang DOH sa legal na aksyon laban sa mga indibidwal na responsable sa mga iligal na aktibidad na ito.
- Latest