MANILA, Philippines — Nagpapaabot na ng tulong ang Department of Health (DOH) sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Baguio para makontrol ang mga kaso roon ng diarrhea o "acute gastroenteritis."
Miyerkules lang kasi nang ideklara na ito bilang outbreak ni Baguio Mayor Benjamin Magalong. Isa itong karamdamang nagdudulot ng matubig-tubig na pagduduming umaabot ng tatlo pataas sa isang araw.
Related Stories
"The increase in diarrhea cases started last December 21, 2023 based on the preliminary findings of the Baguio City Health Office," sabi ng DOH kanina.
"In its report to [Center for Health Development Cordillera Administrative Region], a total of 308 diarrhea cases were reported from December 21, 2023 to January 7, 2024. Age of cases ranged from 3 months to 92 years."
"Of these, 11 cases were admitted to surrounding hospitals. No death has been reported."
Ilan pa sa mga sintomas nito ang pagkahilo, pagsusuka, lagnat at pananakit ng tiyan, ayon sa U.S. National Center for Biotechnology Information.
Kadalasan aniyang maiuugnay ang diarrhea sa water o food-borned causative agents.
Inaabisuhan ngayon ng DOH ang lahat na laging gumamit ng malinis na tubig na ginagamit sa pang-inom at sa pagkain. Mainam din aniyang laging hugasan ang mga kubyertos, magsipilyo at palagiang maghugas ng kamay at maghilamos ng mukha.
Bibigyan na raw muna ang publiko sa Kordilyera ng malinis na maiinom na tubig habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa ngayon.
Ayon sa World Health Organization, tumutukoy ang disease outbreak sa sobra-sobrang paglobo ng isang sakit lagpas sa karaniwang nangyayari sa isang komunidad, lugar o panahon.
Water testing gumugulong na
Una nang sinabi ni Magalong na nagsasagawa na sila ng mga pagsusulit sa mga pinanggagalingan ng tubig sa kanilang lungsod bunsod ng naturang outbreak.
Paliwanag pa ng DOH, maaaring pakuluan muna sa ngayon nang dalawang minuto ang tubig. Simulan lang aniya ang timer kapag may nagsimula na itong kumulo.
"The use of chlorine-based water disinfection solution or tablets, if available in health centers, is also recommended. The public is also advised to report any change in color or odor of their household tap water," payo pa ng kagawaran.
"In case of loose or watery stools, the first aid is to ensure hydration. Drink replacement fluids - clean water, ideally with oral rehydration solution (Oresol). Consult a doctor."