2 naghati sa P121milyong jackpot sa Mega Lotto
P622 milyon sa Grand Lotto mailap pa rin
MANILA, Philippines — Nasungkit ng dalawang masuwerteng mananaya ang mahigit P121 milyon jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 habang mailap pa ring tamaan ang Grand Lotto 6/55 na may tumataginting na jackpot prize na mahigit sa P622 milyon.
Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles, nakuha ng masuwerteng mananaya mula sa Buhangin Davao City, at Pasig City ang winning number combination na 09-07-29-28-11-18 ng Megalotto 6/45 na binola kamakalawa ng gabi at may kabuuang premyong P121,816,502.40.
Samantala mailap pa ding mapanalunan ang Grand Lotto 6/55 na may jackpot prize na P622,896,835.60 na binola din kamakalawa ng gabi.
Inaasahang tataas pa ang jackpot prize nito sa susunod na bola.
Upang makuha ang premyo, inabisuhan ni Robles ang mga nanalong mananaya na magtungo lamang sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at magdala ng dalawang valid ID’s at ang winning ticket.
Paalala pa ni Robles, alinsunod sa TRAIN Law, ang lahat ng premyong lampas sa P10,000 ay papatawan ng 20% tax.
Ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon mula sa petsa nang pagbola dito ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kanilang charity funds.
- Latest