MANILA, Philippines — Nakakolekta ng mahigit sa 2.6 milyon kilo ng basura ang administrasyong Marcos simula ng ilunsad ang programang Kalinga at Inisyatiba Para sa Malinis na Bayan (KALINISAN) na sinalihan ng mahigit 9,000 barangay sa buong bansa.
Sa ulat ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Bemhur Abalos sa Presidential Communications Office (PCO), sinabi nito na nasa 2,646,948 kilo ng basura ang nakolekta mula sa may 9,189 barangay na nagpartisipa sa programa.
Sinabi pa ng DILG na 580,000 indibidwal ang sumali sa clean up drive kasama ang may 109,939 lokal na mga opisyal.
Sa 580,000 indibidwal, tinatayang 103,249 ang sumali sa programa mula sa Cagayan valley, 103,044 mula Central Luzon, 117,161 mula Calabarzon; 59,631 mula Mimaropa;29,814 mula Central Visayas;27,287 mula Zamboanga peninsula; 63,996 mula Northern Mindanao at 8,060 mula SOCCSKSARGEN.
Habang nasa 39,109 indibidwal naman ang sumali mula sa National Capital Region o NCR at 28,650 mula Cordillera Administrative Region (CAR).
Sinabi naman ni Abalos na magsasagawa na sila ng quarterly recognition ng local government units (LGUs) na magpapatupad ng maayos ng KALINISAN program ni pangulong Marcos para masiguro ang kanilang partisipasyon.
Layon din umano ng programa na ipakita ang spirit of voluntarism habang sinisiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga komunidad.