Higit 1K tauhan ng Red Cross, ikakalat sa Traslacion
MANILA, Philippines — Nakahanda na rin ang Philippine Red Cross (PRC) sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko sa darating na Traslacion 2024 kung saan magpapakalat sila ng higit sa 1,000 tauhan sa iba’t ibang parte ng Quiapo, Quirino Grandstand at ruta ng prusisyon.
Sinabi ni PRC Chairman Richard Gordon na palaging prayoridad nila ang kaligtasan ng mga Filipino sa anumang event sa bansa. Partikular ang Traslacion na inaasahang muling dadagsain ng milyong mga deboto na sabik sa pagbabalik ng prusisyon.
“Pakikilusin namin ang mga volunteers mula sa iba’t ibang chapter ng NCR at Rizal province para maserbisyuhan ang pangangailangang medikal ng mga deboto,” ayon kay Gordon.
Higit sa 1,000 first aiders, Emergecy Response Unit (ERU) personnel, at Emergency Medical Teams ang itatalaga sa 10 first aid stations at welfare desks na ilalagay nila sa ruta ng prusisyon.
Anim na foot patrollers din ang magsisilbing “mobile first-aiders” sa prusisyon.
Magtatatag ng Emergency Field Hospital (EFH) ang PRC sa Kartilya ng Katipunan bilang suporta sa EFH ng Department of Health at lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office.
Inaasahan na 17 ambulansya, 1 firetruck, dalawang rescue boats at isang amphibian vehicle mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at non-government organizations ang itatalaga mula ngayong Enero 7. Bukod pa dito ang 20 pang ambulansya mula sa Region 3 at 4A ng PRC.
Noong nakaraang taon, nasa 800 deboto ang binigyan ng atensyong medical ng PRC.
Sa kabila ng inaasahang mas maraming taong dadagsa, umaasa ang PRC na mapapababa pa ang insidente ng nasasaktan o inaatake ng sakit kasabay ng panawagan ng ibayong pag-iingat sa mga deboto.
- Latest