MANILA, Philippines — Itinanghal na topnotcher ang isang taga-National Capital Region (NCR) sa isinagawang Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) na isinagawa sa buong bansa noong Agosto 20, 2023.
Sa inilabas na resulta ng Civil Service Commission (CSC) kahapon, si Patricia Victa mula sa NCR ang nanguna sa Professional level na may rating na 93.60, habang si Leonard Brian Nicolas, mula rin sa NCR, ay nanguna sa Sub-Professional level na may rating na 90.83.
Agad ipinaabot ni CSC Chairperson Karlo Nograles ang pagbati sa mga nakapasa sa nasabing pagsusulit, na nagsasaad na ito ay isang magandang simula para sa mga ito at kanilang mga pamilya.
“Tunay ngang isa itong magandang panimula ng taon hindi lamang para sa inyo kundi para sa inyong mga pamilya. Higit sa lahat, kaming mga nasa pampublikong sektor ay nagagalak na makatrabaho kayo sa susunod na mga buwan o taon tungo sa isang maunlad at matatag na serbisyo sibil,” pahayag ni Nograles.
Sa regional performance, nakakuha ang NCR ng pinakamataas na passing rate na may 26.03% o 12,548 pumasa sa 48,203 examinees. Sumunod ang Region III (Central Luzon) na may 22.50% o 5,452 pumasa sa 24,231 examinees; Cordillera Administrative Region na may 21.28% o 3,029 pumasa sa 14,235 examinees; Region IV (Southern Tagalog) na may 21.17% o 8,337 pumasa sa 39,377 examinees; Region VII (Central Visayas) na may 20.15% o 3,887 pumasa sa 19,288 examinees; at Region I (Ilocos Region) na may 20.06% passing rate o 4,435 pumasa sa 22,107 examinees.
Nagpaalala naman ang CSC na ang pagiging eligible lamang ay hindi ginagarantiyahan ang appointment sa serbisyo ng gobyerno dahil ang edukasyon, karanasan, pagsasanay, at iba pang mga kinakailangan sa kakayahan ng mga posisyon ay dapat ding matugunan.