Walang taas pasahe sa jeep modernization - DOTr
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes ang mga alalahanin sa napaulat na posibleng pagtaas ng pasahe sa mga jeepney dahil sa epekto ng PUV Modernization Program (PUVMP).
Sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan na kailangang sumailalim muna sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pamasahe.
“Atin pong binibigyan ng paalala ang atin pong mga commuters, iyong mga naririnig po natin na magkakaroon po ng 300 to 400% na increase ay wala pong batayan at hindi po inaasahan ang ganitong taas-pasahe sa consolidation at PUV Modernization Program,” pahayag ni Batan.
Ipinunto ni Batan na ang mga nakaraang pagtaas ng pamasahe ay mula P1-P2 lamang.
Noong Miyerkules, nagbabala ang grupo ng mga commuters sa posibleng pagtaas sa P50 na minimum na pamasahe para sa mga modernong jeepney kasunod ng pagpapatupad ng PUV modernization program. Sa kasalukuyan, ang minimum na pamasahe ay P13 para sa tradisyonal na jeepney at P15 para sa modernong jeepney.
Bilang tugon, sinabi ni Batan na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga operator na apektado ng PUVMP.
Sinimulan noong 2017, layunin ng PUVMP na palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon at palitan ang mga PUV na hindi na karapat-dapat sa kalsada ayon sa pamantayan ng Land Transportation Office.
Ang bawat unit ay nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon, isang halaga na kahit ang mga state-run bank na LandBank at Development Bank of the Philippines ay sinabing masyadong mahal para sa mga PUV driver at operator.
Magbibigay ang gobyerno ng livelihood at skills development programs para sa mga public utility vehicles (PUV) drivers, na ang mga operator ay hindi magko-consolidate ng mga indibidwal na prangkisa sa ilalim ng mga kooperatiba o korporasyon.
Sinabi ni Office of Transportation Cooperatives (OTC) chairman Jesus Ferdinand “Andy” Ortega na ang mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay may kanya-kanyang inilaan na pondo para sa naturang mga programa.
Ang kinakailangang pagsasama-sama ng prangkisa ay isa sa mga bahagi ng PUV modernization program (PUVMP) ng pamahalaan na natapos noong Disyembre 31, 2023.
Ang mga unconsolidated commuter jeepney ay pinapayagan pa ring mag-operate sa mga piling ruta hanggang Enero 21, 2024.
- Latest