DepEd: May sapat na public schools sa 17,700 displaced SHS learners
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Department of Education (DepEd) na mayroong sapat na mga pampublikong paaralan upang malipatan ng 17,700 incoming Grade 12 learners na madi-displaced dahil sa pagtitigil na ng senior high school (SHS) program sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at mga Local Universities and Colleges (SUCs).
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas, nakipag-ugnayan na sila sa lahat ng regional offices at mga Schools Division Offices (SDOs) sa bansa kung saan mayroong enrollees sa mga local universities.
Tiniyak naman aniya ng mga ito sa kanila na maaaring i-accommodate ng mga public schools ang mga naturang displaced SHS students.
Matatandaang naglabas ng memorandum ang Commission on Higher Education (CHED) na ititigil na ang SHS program sa mga SUCs at LUCs bunsod ng kawalan na ng legal na basehan para dito.
Ayon kay CHED chairman Prospero de Vera III, naglabas na rin ng notice ang DepEd na wala nang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GATSPE) beneficiaries mula sa SUCs at LUCs, maliban na lamang sa mga papasok sa Grade 12.
Una na ring sinabi ni DepEd Undersecretary Michael Poa na ang mga SHS students na maaapektuhan nang pagtitigil ng SHS program ay maaaring mag-enroll sa mga public schools o sa pribadong paaralan at mag-avail ng voucher program.
- Latest