MANILA, Philippines — Hinikayat ng pamunuan ng Simbahan ng Quiapo ang mga deboto na magdala ng “transparent bags” kung dadalo sa mga aktibidad sa Pista ng Itim na Nazareno upang mas mapadali ang inspeksyon para sa seguridad ng lahat.
Kabilang ito sa mga panuntunan na inilabas ng simbahan kahapon ukol sa “mga dapat at hindi dapat gawin sa pagdiriwang ng Nazareno 2024.”
Tagubilin ng simbahan na huwag na magdala ng maraming gamit o malaking mga bags ang mga deboto.
“Kung magdadala ng bag, mas mainam na ito ay ‘transparent bag’ upang mas madali ang pag-inspeksyun ng mga ito,” paalala ng simbahan.
Inihabilin rin ng simbahan na bawal nang sumampa sa Andas kung nais talagang maipakita ang pagmamahal sa Poong Jesus Nazareno.
Ngunit maaari pa rin naman maghagis ng panyo upang maipunas sa Poon, habang may pasanan pa rin ng pingga at paghila ng lubid na dapat gawin ng maayos at may pag-iingat ng mga deboto.
“Mga Ka-Deboto, ang tunay na alagad ay sumusunod. Ang tunay na Alagad, ipinapakita si Jesus Nazareno,” ayon sa simbahan kaugnay ng paglalagay nila ng salamin sa imahe para makita ng lahat ng mananampalataya na daraanan ng prusisyon.
Inihabilin rin sa mga may karamdaman at mga bata na mag-abang na lamang sa gilid ng kalsada para sa kaligtasan at huwag kalimutang kumain sa bahay bago magtungo sa Traslacion.