Pinas ‘di kailangan US para labanan ang pambu-bully ng China sa West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Hindi kailangan ng Pilipinas ang Estados Unidos at iba pang makapangyarihang bansa para lamang labanan ang patuloy na pambu-bully ng China sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang mariing inihayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na iginiit pang desperado na umano ang China kaya patuloy ang tirada laban sa Pilipinas upang maibsan ang inaabot nitong batikos mula sa iba’t ibang bansa kaugnay ng agawan ng teritoryo.
Ayon kay Castro, bagaman naniniwala siyang hindi dapat makialam ang US at iba pang mga makapangyarihang bansa sa isyu ng sigalot sa South China Sea ay maari naman aniyang magkaisa ang mga claimant na bansa upang hadlangan ang kapangahasan ng China.
“We do not need bullies to fight another bully. What we need is international cooperation with like minded countries,” sabi pa ni Castro.
“China is again spewing lies to counter the international backlash it is now under due to the exposure of its aggressive and dangerous actions in the West Philippine Sea,” ayon kay Castro.
Kamakailan ay nag-isyu ng magkakahiwalay na pahayag ang Chinese Ministry of Foreign Affairs (MFA) at Ministry of National Defense (MND) na kapwa iginiit na hurisdiksiyon umano ng Beijing sa Ayungin (Second Thomas) Shoal at Panatag (Scarborough) Shoal na nasasaklaw ng 370-kilometer exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Binigyang diin ng lady solon na ang usapin ng WPS ay hindi lamang bilateral na isyu dahil ito ang main shipping lane ng iba’t ibang mga bansa.
Bukod sa Pilipinas at China kabilang pa sa mga bansang nag-aagawan sa pag-aangkin sa WPS ay ang Taiwan, Brunei, Malaysia at Vietman.
- Latest