MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Department of Health (DOH) sa publiko ang pagsusuot ng face mask hindi lang para makaiwas sa COVID-19 ngunit maging sa pagkakasakit dulot ng usok at polusyon na na-trap ngayon sa hangin mula sa pagpapaputok nitong Enero 1.
Inaasahan ni DOH Undersecretary Eric Tayag na marami sa mga Pilipino ang nais na umpisahan ang bagong taon na malusog at kabilang dito ang pagja-jogging. Ngunit kailangan umano ang pagsusuot ng facemask kapag naglalakad o tumatakbo dahil sa nasa hangin pa ang polusyon na dulot ng mga paputok.
“‘Yung usok na nararanasan at nakita niyo kaninang umaga, ang paliwanag ng PAGASA diyan ay ‘yung temperature inversion kaya nata-trap ‘yung smoke at polusyon. Ito ay nangyayari sa unang oras sa umaga at ‘pag ang cool air ang siyang kusang nasa taas na rin po, kusang mawawala na rin ‘yan,” paliwanag ni Tayag.
“Baka akala nila ito’y hamog lamang, hindi nila alam na na-trap ‘yung pollution na maaaring nanggaling sa mga paputok kagabi,” ayon pa sa kaniya.
Mapanganib umano ang polusyong ito sa mga taong may hika o maging sa mga bata na mahina ang immune system na maaaring mauwi sa pulmonya.