MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Pilipino na gayahin si Dr. Jose Rizal sa matinding pagmamahal sa bayan at iginiit na lahat ay dapat magkaroon ng paghahangad para sa magandang kinabukasan ng bansa.
Inihayag ito ng Pangulo sa pag-alala sa ika-127 anibersaryo ng pagiging martir ng pambansang bayani, makaraang mag-alay siya ng bulaklak sa Rizal Monument sa Luneta.
“I enjoin all of you to keep emulating the timeless values we can learn from his life and works,” ayon kay Marcos, na sinamahan ng kanyang First Lady Marie Louise Araneta-Marcos at anak na si Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Araneta Marcos.
“I also call on everyone to let the genuine love for the country that he lived out and later died for propel us to have a deep and personal sense of ownership for our land and our future,” dagdag pa ng Pangulo.
Kasama rin ng Pangulo sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Manila Mayor Maria Shiela Honey Lacuna, National Historical Commission of the Philippines Chairman Emmanuel Franco Cairo at AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr.
Umaasa si Marcos na sa patuloy na pag-alala sa bayani, mangyayari na matupad ang mga pangarap ni Rizal para sa Pilipinas na ipinaglaban niya at ng iba pang mga bayani noong panahon ng pananakop ng Espanya.